NOBENA SA MAPAGHIMALANG SI SANTA ANA DE TAGUIG

PAMBUNGAD NA PAPURI KAY SANTA ANA


Namumuno: Tumayo po tayong lahat para sa Pambungad na Awit.


Awit kay Santa Ana


Kami'y nagpupuri't nagpupugay, ipinagbubunyi ang iyong pangalan.

Patnubay namin sa buhay, sa tuwina'y ikaw ang aming gabay.

O Santa Ana, Inang mapagkalinga, sa iyong paglingap kami'y nakikiusap, sana'y pakinggan mo ang aming pagtawag.

Kapayapaan sa ami'y igawad O Ina ng Birhen,

O Santa Ana naming mahal.


Namumuno: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

Namumuno: Mga kapatid, sa harap ng Ana, Mga kapatid, Mapaghimalang si Santa buong kababaang-loob at may pagmamahal tayong dumulog din sa kanya. Parangalan natin siya at hingin ang lahat ng biyayang ating kailangan sa pamamagitan niya.


PAGSISISI

Namumuno: Upang tayo ay maging karapat dapat na pagpalain sa ating pag aalay ng mga panalangin, pagsisihan muna natin ang ating mga kasalanan at taos-pusong humingi sa Diyos ng awa at patawad.

Lahat: O Ama ng awa at katarungan, alang-alang sa Iyong Bugtong na Anak namatay at muling nabuhay, mahabag Ka sa amin. Nagkulang kami sa pag-ibig sa Iyo at sa aming kapwa tao. Nagsisisi kami nang buong puso. Nakikipagkasundo kami sa Iyo at sa aming kapwa. Mamahalin Ka namin nang higit sa lahat at mamahalin din namin ang aming kapwa.

Magsisikap kaming magbagong buhay sa tulong ni Kristo, aming Tagapagligtas kaisa ng Banal na Espiritu, magpasawalang hanggan. Amen.


PAMBUNGAD NA PANALANGIN


Lahat: Ama namin sa langit, niloob Mong makilala namin si Santa Ana, ang Ina ng Mahal na Birheng Maria na siya namang naging Ina Hesukristo. Panginoong pamamagitan ng mapaghimalang si Santa Ana, hinihiling namin na magpamalas Ka ng pagpapala sa mga dumudulog at namimintuho sa kanya. Iniaalay namin ang aming mga panalangin na may pananalig sa pinagpala mong si Santa Ana at sa kanyang dakilang anak na si Birheng Maria, lubos nagniningning sa iyong Kaharian na walang hanggan. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristo, kasama ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.


Namumuno: Magsiluhod po ang lahat.


PANALANGIN KAY SANTA ANA

(Araw-araw na Dasalin )


Mapagmahal na Santa Ana, Banal na Ina ng Birheng Maria, pinipintuho ka namin. Lubos kaming nagpapaampon at nagtitiwala sa iyong kabanalan. Kalingain mo kaming lahat na nangangailangan, lalung-lalo na ang mga may higit pang mabigat na suliranin at pagsubok sa buhay. Minamahal naming Santa Ana, ang kahulugan ng iyong ngala'y grasya at awa, kaya't patuloy kang nakikinig sa pagtawag ng mga nagpapakupkop sa iyo. Tulungan mo kaming mabigyan ng higit na halaga ang tunay na kahulugan ng aming buhay sa lupa, ang buhay na "isang paglalakbay patungo sa Ama sa langit." Tulungan mo kaming mapalapit kay Hesus at maisabuhay namin ang Salita ng Diyos. Matupad nawa namin ang aming tungkulin sa buhay at ang kabanalang kailangan sa aming kaligtasan. Manalig nawa kaming lubos at sumampalataya sa pag-ibig ni Hesus. Maimulat nawa namin sa iba ang paghahari ng Diyos sa kanila lalo na sa loob ng pamilya. O Mahal na Santa Ana, ikaw ay isang naging banal na Ina na nagpalaki kay Birheng Maria sa biyaya ng Diyos. Ikaw ay isang banal na asawa ni San Joaquin na taos-puso mong minahal. Naramdaman mo ang pananatili ng biyaya ng Kaharian ng Diyos sa iyong pamilya at ang biyayang ito ay iyong ibinahagi sa kapwa tao. Palakasin mo ang pagmamahal namin sa pamilya bilang pinagmumulan ng pananalig sa kabutihan. Ipinapanalangin namin manatili ang kabutihan at kabanalan sa lahat ng mga pamilya, kagaya ng pamilya mo at ng Banal na Mag anak ng dakila mong anak na si Birheng Maria. Nawa ang kabutihan at kabanalan sa aming pamilya ay maibahagi rin namin sa lahat, lalung-lalo na sa aming lipunan. At sa pamamagitan ng ganitong pakikibahagi, kami ay maging huwaran din, kagaya mo, sa pagkakaroon ng buhay na may tunay na pagmamahal, paglilingkod, at pagmamalasakit sa mga naghihirap. Gabayan mo kami sa pagtupad ng aming tungkulin bilang mga Kristiyano na nananalig sa ebanghelyo ng kaligtasan. Amen.


Namumuno: Tumayo po at awitin natin ang "Dakilang Patrona"


Dakilang Patrona


Refrain: Dakilang Patrona Poong Santa Ana Ina ni Maria Kay Hesus ay Lola

Mga himala mo't pagmamahal Nadama sa ibang bayan; Samo nami'y bahaginan mo rin Ng awa itong bayang sinta

Ulitin ang Refrain

Sa mga sakuna't karamdaman Kami'y 'yong patnubayan At kay Hesus na iniwi mo ay hilingin Sala nami'y patawarin.


Namumuno: Magsiluhod po ang lahat


MGA KAHILINGAN SA MAPAGHIMALANG SI SANTA ANA


Namumuno: Sa bawat kahilingan ang ating itutugon:


Tugon: Minamahal naming Santa Ana, ipanalangin mo po kami.

Namumuno: Para sa Simbahan, upang patuloy na mapuno ng biyaya ng tunay na pagmamahalan. Iniluluhog namin...

Para sa Santo Papa, mga Obispo, mga Pari, mga diyakono at mga relihiyoso at relihiyosa, upang manatili sila sa biyaya ng kabanalan tuwina. Iniluluhog namin...

Para sa mga pamilya, mga ama at ina ng tahanan, mga anak at kamag anak, upang ang bawat isa ay makapagpakita ng magandang halimbawa. Iniluluhog namin...

Para sa mga ina na nasa kapighatian sa buhay. Iniluluhog namin...

Para sa mga ina na hindi magka anak. Iniluluhog namin...

Para sa mga ina na nagdadalang-tao at mahirap magsilang ng sanggol. Iniluluhog namin...

Para sa mga mag-asawang hindi magkasundo o hiwalay sa bawa't isa. Iniluluhog namin...

Para sa mga anak na nasa kadiliman ng bisyo, madala nawa sila sa liwanag ng pagbabagong buhay. Iniluluhog namin...

Para mga may sakit naghahanda na para sa ikalawang buhay, magliwanag din sa puso nila ang pag-asang dulot ni Kristo. Iniluluhog namin...

Para sa mga matatanda na walang kumukupkop. Iniluluhog namin...

Para ang mga inaapi at mga kabataang inaabuso, na ang puso nila ay mapuno ng tunay na pagmamahal at kapayapaan. Iniluluhog namin...

Para sa mga nawala sa tamang landas at hindi pa nagbabalik-loob sa Diyos. Iniluluhog namin...

Para sa mga taong walang trabaho. Iniluluhog namin...

Para sa mga dukha at mahihirap. Iniluluhog namin...

Para sa aming paghahanda tungo sa ikalawang buhay walang hanggan, na kami ay maging karapat-dapat na tanggapin sa maluwalhating Kaharian ng Diyos. Iniluluhog namin...

Para sa ating mga sariling kahilingan at mithiin ng ating mga puso at diwa, lalung-lalo na ang tanging kahilingang ito: (taimtim na banggitin). Ipanalangin natin kay Santa Ana..

Lahat: Minamahal naming Ama, ibinigay mo sa amin ang aming pintakasing si Santa Ana. Iniligtas mo kami sa panganib at binigyan mo kami ng aliw sa kapighatian.

Sa tulong ng kanyang dasal, hanguin mo kami sa kahirapan at kami ay iyong pabanalin, alangalang kay Kristong aming Panginoon. Amen.

Namumuno: Magsitayo po ang lahat at ating dasalin ang panalangin na itinuro sa atin ng Panginoong Hesus. AMA NAMIN (Aawitin o sasambitin)

Namumuno: Magsiluhod po ang lahat.


PAGHAHANDOG NG PANALANGIN KAY SANTA ANA TUWING MARTES

Maawain at butihing Santa Ana, banal na ina ng Mahal na Birheng Maria, ipinapanalangin namin ang aming mga kaluluwa. Kaisa ng iyong anak na si Birheng Maria, maging malinis nawa ang aming mga puso at ligtas sa kasamaan.

Sa iyong pagkalinga, itinatagubilin namin ang lahat ng aming kapakanan lalo na ang mga pamilya. Tulungan mo kami na maialay namin sa Diyos ang aming isip na may tunay na pananampalataya. Iniaalay namin ang aming puso at kalooban na may pagnanais na sundin ang kalooban ng Diyos.

Mahal na Santa Ana, tulungan mo kami sa aming pagsusumikap na masupil ang aming masasamang hilig, maiwasan ang anumang nag-uudyok sa kasalanan, at huwag na muli kaming magkasala. Matupad nawa namin ang kalooban ng Diyos kagaya ng ginawa ng Birheng Maria at San Jose.

Mahal na Santa Ana, sa pag-aalay naming ito, aming ipinangangakong paglilingkuran namin si Kristo sa pamamagitan ng tunay na pagsaksi sa kanyang ebanghelyo ng pagmamahal. Tulungan mo kami na mapasaamin ang biyaya ni Hesus na tunay na naging tapat sa kalooban ng Diyos Ama at tunay na kaisa ng Banal na Espiritu, sa Kaharian na walang hanggan. Amen.